MANILA, Philippines — Nasa 31 katao ang namatay kung saan 29 ang sundalo at dalawang sibilyan matapos bumagsak ang C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) kahapon ng umaga sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu.
Ginagamot naman sa ospital ang 50 pang sundalo at apat na sibilyan habang patuloy ang search and rescue operations sa 17 iba pa. Sa latest report na ipinadala ng WesMinCom, puspusan ang ginagawang paghahanap ng mga awtoridad upang makita ang mga nawawala pa na kabilang sa 96 na pasahero ng C-130 Hercules.
Tatlo rito ang piloto, lima ang crewmen at ang iba ay mga Army personnel. Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, karamihan sa mga biktima ay bagong graduate sa basic military course buhat sa Cagayan de Oro at idedeploy na sana sa 11th Infantry Batallion ng Joint Task Force Sulu. Batay sa inisyal na pagsisiyasat, galing ang C-130 Hercules na may tail #5125 sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City at nakatakda sanang mag-landing sa Jolo port sa Sulu dakong alas-11:30 ng umaga subalit hindi nakalapag sa runway.
”Na-miss niya yung runway trying to regain power, at hindi nakayanan bumagsak doon sa may Bangkal,” ani Chief of Staff Cirilito Sobejana.
Samantala, ang dalawang sibilyan na nasawi ay sinasabing nabagsakan ng naputol na bahagi ng C-130. Agad naman naapula ang apoy at nasagip ang 50 mga pasahero na kasalukuyang ginagamot sa 11ID hospital sa Busbus, Jolo, Sulu.
Dagdag pa ni Sobejana, ginawa naman ng ground commander na si Joint Task Force Sulu Commander Gen. William Gonzales ang lahat kaya mabilis na naapula at nailigtas ang iba pang mga pasahero. Ani Gonzales, ang mga sundalo ay isasabak sa pagpuksa ng terorismo sa bansa partikular laban sa KFR at Abu Sayyaf Group. Umaasa sila na makikita pa nila ang kanilang mga kasamahan